Si Francois de Ville At Ang Pulang Mata sa Seoul Street


Pasimula
_________________________

"Si Francois de Ville At Ang Pulang Mata sa Seoul Street" ang pinakaunang kuwento sa buhay niya na naisulat. Ito ay naganap bandang Hulyo ng taong 2019. Mula sa kinalakihan na niyang Harbor Town (nguni dati siyang nakatira sa isang liblib na baryo na kung tawagin ay Baryo Villafuerte, kung saan naroroon ang kanyang lola nung nabubuhay pa), may humila sa kanya upang tumungo sa Urgeough, isang kalapit bayan ng Harbor Town kung saan matatagpuan ang Ginza Avenue at Seoul Street. Ang huli ay isa dating maayos at sikat na kalye nguni nang dahil sa isang pangyayari ay nabalot na ito ng iba't ibang haka-haka. Naging usap-usapan noon pa man ang naturang kalye nguni minsan pa lamang itong nabisita ni Francois at dito niya natunghayan ang isang nakakakilabot na bahagi ng buhay niya.
__________________

Tungkol sa'n ba ang 'Si Francois de Ville At Ang Pulang Mata sa Seoul Street'?

Ang kuwentong ito ay nagsimula sa isang restawran kung sa'n pinili ni Francois na mananghalian muna bago tumuloy sa pamamasada (ito ang propesyon niya bago siya naging empleyado sa isang malaking kumpanya sa Harvest Valley). Hindi niya naman inaasahan na maririnig niya ang isang kuwento tungkol sa isang ginahasa sa isang lumang ospital. Mula sa pag-uusap na iyon ng mga empleyado ng katabing gusali na kanyang narinig, nangyari at napasuot ang mga sumusunod pang insidente. Una, ang natagpuan niyang kapirasong yero na may nakasulat; ikalawa, ang mensahe nito; ikatlo, ang mga tila pipi at binging mga pasahero; at ang huli ay ang pagtungo niya sa Kalye Seoul. At dito na niya nasaksihan hindi niya dapat inaasahan...

__________________


Mga bahagi ng kuwento:

  • Simbolo ng Talinghaga
  • Sa Kalye Seoul
  • Ang Mga Pulang Mata

_______________________________________________

Prologo

________________

"Hindi matahimik ang kaluluwa ng naturang babae. Bagamat kapiling ang kanyang pinakamamahal na itay, hindi niya naman makamit ang kanyang hanap-hanap na katarungan. Ilang taon na rin mula nang siya ay kit’lan ng buhay.
Inabandona na ang lugar kung sa’n naganap ang kahindik-hindik na pangyayari. Nguni ang lugar na ito ay pinangangalagaan pa rin ng itay ng may-pulang-mata. Pulang mata na siyang nagsilbing liwanang sa kalye.

Hanggang sa ngayon ay di pa rin matahimik ang kaluluwa ng babae. Tila nangangailangan… Nguni natapos na ang mga pangyayari…at hindi kailanman maibabalik ang nakaraan. Ang silid kung sa’n siya pinatay ang nagsilbi niyang huling hantungan…at hanggang ngayon ay naroroon pa rin ang kanyang katawan… nakalibing sa loob ng isang masalimuot na silid…"



Mula sa 'Simbolo ng Talinghaga':

"NAPAKATERIBLE."
Napakaterible talaga…tsk-k-k-k-k… ‘yung inabot ng pasyente…. Sigurado ‘ko, demonyo ang may gawa no’n….”
Narinig ko ang boses ng isang propesyunal na lalaki na nakikipag-usap sa kanyang mga kakumpare nang minsan kong naisip na mamahinga muna sa isang maliit na restawran sa tabi ng isang napakataas na gusali. Alas dose y media no’n nang kumain ako mula sa isang nakakapagod na pamamasada.
“Tatlong taon na rin ang nakalilipas no’n, ‘no? Pero tinitiyak kong ‘ndi pa natatahimik ang kaluluwa ng nagahasa hanggang ngayon, hay…” sabad naman ng isa pang lalaki na sa tingin ko’y katrabaho niya rin dahil iisa lang ang uniporme nila at disente rin tulad ng isa.
“Alam mo pare, ang usap-usapan nila no’ng panahong ‘yon, eh, duktor daw, ha, ‘daw’, ha, ang may gawa no’n. Ewan ko lang kung toto’ ‘yon, eh, usap-usapan lang naman,” wika naman ng isa pang lalaki na parang sumali lamang sa usapan.
“Siguro,” sabi ng unang lalaki habang umiinom siya ng malamig na green tea, “kaya nga wala nang pasyente do’n kasi baka raw magaya sila sa babaeng ‘yon,” dagdag pa niya.
“That’s true, and I thought matagal nang nakasara ang ospital na ‘yon…dahil sa pangyayari,” dagdag naman ng katabi niya.
“Sabi pa nila nagmumulto raw ito…lagot!” pananakot naman ng isa habang nanhihilakbot na ako sa aking kinalalagyan.
“Nangangatog na ako, ha, pero sa’n ba ‘yung lugar, I mean, ‘yung ospital na pinangyarihan?” tanong ng propesyunal at disenteng lalaki.
“Ayon sa aking nababatid, malayu-layo sa lugar natin ‘yun at liblib ‘yun ‘no…” sagot naman ng di nakaunipormeng lalaki.
“Ang alam ko, pero ‘di ko na matanda’n ‘yung pangalan ng ospital, sabi nila sa…sandali lang…”
“Sa’n?” sabay na pagtanong ng dalawa niyang kakuwentuhan.
“Alam ko na, na’lala ko na, sa ano raw, sa ano…sa…sa Seoul Street….”
Seoul Street, Seoul Street, Seoul Street. Paulit-ulit na pumapasok sa aking isipan ang kalyeng ito habang nakatitig ako sa plato kong wala nang laman.
“Oh, pareng Franc, ‘ndi ka pa ba mamamasada? Luto na ‘yung sasakyan mong nakababad sa init.”
Nabasag ang pagguni-guni ko sa naturang kalye nang dumating ang isang paparating na boses. Si pareng Raphael pala ‘yun.
“A, hindi, mamamasada na rin ako. Nagpalipas-oras lang ako rito, pagod kasi ako e,” ang sagot ko naman.
“Hala, sige pare, alis na ‘ko, napara’n lang ‘ko rito eh, hinahanap ko kasi si Mr. McGyver, kailangan ko kasing i-report sa kanya na pupunta kami ng probinsiya sa makalawa, baka kasi makalimutan ko,” paliwanag ng kumpare kong si Raphael habang isinusuot niya ang kanyang salamin. Pananggalang niya ito sa matinding sikat ng araw.
“A, sandali pare, alam mo ba kung sa’n ‘yung Seoul Avenue, a hindi, ‘yung ano pala, SEOUL STREET?”
“Ano? Seoul Street ba? Hindi ko ‘lam eh. Pero nasa kabilang bayan pa ‘yon. Ba’t mo naman na’tanong? May kelangan ka ba do’n?” ingkweryo n’ya sa akin.
“E, wala naman, may gusto lang sana akong tingnan,” paliwanag ko.
“Ah…. Ano na nga ba uli ‘yung buo mong pangalan? Nalimutan ko kasi, siguro sa dami nang problema, stressed ako lagi,” pagtatanong niya pa uli.
“Francois. Ikaw naman, pare. Eh, bakit nga ba?” sabad ko sa kanya.
“Itatanong ko kay sir kung sa’n ‘yung Seoul Street, baka kasi matulungan ka niya,” sabi niya, “ah…oh, sige, alis na ‘ko, nagmamadali kasi ako. Sige, pa’lam,” kanya pang idinagdag.
Naalala ko ang pangalan ko. Francois. Ito lang yata ang alaala ko sa aking mga magulang. Matagal na silang pumanaw. Muli’t muli akong napapahikbi, nalulungkot…napapaiyak. Mag-isa na lamang ako sa buhay. Pero tinatawag na lang nila akong ‘Franc’ dahil nagkakamali sila sa pagbigkas ng buo kong pangalan. Hindi kasi ‘Frangkoys’ ang tamang pagbigkas kundi ‘Franswa’.
Sumakay na uli ako sa aking dyip. Nag-drive ako papunta sa isang gasoline station. Noeilgasse Station ang istasyong tinutukoy ko. Doon lamang ang natatangi kong pagasulinahan sapagkat doon lamang may mulberry biodiesel. Mulberry biodiesel kasi ang kailangan ng sasakyan ko upang makatakbo.
Pagsapit ng gabi, muli’t muli akong nagdalumat. Pinapaksa ko ang bagay sa aking gunamgunam: ano nga ba ang misteryong sumasaklaw sa kalye ng Seoul? Haka-haka lang ba ang mga usap-usapang ito? Ang sagot ay siyang lilitaw lamang mula sa kinalulugaran.
Ako ang tipo ng taong mahilig sa misteryo. Nais kong mamulat ang aking sarili sa katotohonan. Kaya naman kung mamamatay man ako, nais ko na ang aking damdamin at kahit sa gayong paraan, mabatid ko ang katotohanan. Ayokong sa pagkamatay ko, may iniisip pa rin ako at may problema. Ayokong magaya sa mga ligaw na kaluluwa.
Hindi pa rin matanggal sa aking imahinasyon ang kalye ng Seoul. Ito ang siya kong naging meditasyon sa lalim ng gabi. Bigla kong naisip ang sinabi ng isang lalaki sa restawran, ‘… pero tinitiyak kong ‘ndi pa natatahimik ang kaluluwa ng nagahasa hanggang ngayon….’
PLANGK! Klengilengilengileng….
Nagulat ako nang biglang may kumalansing na tila ay mula sa harap ng aking bahay: malakas at papahina. Naisip kong baka asong gala lang ‘yon o kaya naman ay ‘yung pusang si Kustav ng kapitbahay ko. Itinalukbong ko na lamang ang aking pulang kumot sa aking nangangatog na katawan at nagsimula na ring pasukin ang mundo ng di-mapigil na imahinasyon.
Natapos na rin ang kadiliman ng gabi. Bumangon na rin ako mula sa pagkakahilata ko sa hihigan. Napansin ko ang aking tatsulok na orasan, ala sais y media na ng umaga. Sa loob ng isang oras, nagawa ko na rin ang mga ginagawa ko tuwing umaga. Nag-ayos ako ng aking sarili at nagsuot na rin ng pulang polo para mamasada.
Dala ang mga kakailanganin, lumabas na ako mula sa aking bahay. Isinara ko ang pinto nang may mapansin akong parihabang patag na yero sa tapat na sahig ng pinto. Wala itong sulat.Kinuha ko ang pirasong ito sa sahig. Mula sa sikat ng araw, tumama ang dagilap nito sa metal na yero at nakabuo ng nakasisilaw na liwanag. Mula rito, unti-unting may lumilitaw..."



______________________________________

No comments: