Si Francois de Ville At Ang Kaluluwa sa Balon ng Villafuerte


Prologo
_______________

Sa Baryo Villafuerte karaniwan nagsisimula ang lahat ng mga kasindak-sindak na pangyayari sa Peñasafaria.
Sa isang looban ng Villafuerte, sa tabi ng tatlong nagsisitaasang mga puno ng kamagong na kanugnog ng isang napakalawak na lupang pansakahan, ay may isang itim na kalabaw na abala sa pag-idlip. Mahigpit ang pagkakatali nito sa isang laylay na sanga ng kamagong. Ang sanga kung saan nakatali ang liig ng naturang hayop ay may mga mayayabong na mga dahong luntian. Sa kabila nito ay manilaw-nilaw na rin ang mga iba pang dahon na bunga na ng katagalan nito sa puno. Sila’y tila buhay, darating at darating pa rin ang panahon kung saan tayo ay mahihiwalay sa iba pa nating mga kasama. Babagsak, matatapakan na ng panahon, mabubulok at sa kalaunan ay maglalaho na rin. Nguni ang mga dahon na bumagsak ay magiging parte pa rin ng lupa—sila ang magiging pataba nito na siyang magbibigay ng buhay sa susunod pang mga punong yayabong.
Ika-siyam na ng umaga at pasikat na ang araw. Naririyan na naman ang magbibigay ng liwanag sa ating mga tatahakin. Paulit-ulit lang na umiikot ang daigdig sa araw at pabalik-balik lang ang araw sa mundo. Subalit ang liwanag na kanyang ibinibigay ay di nasisilayan sa lahat ng oras…sa lahat ng panahon. Kung naririyan ang liwanag, sige at habulin. Baka maya’t maya lamang ay maglalaho rin ito…at tuluyan ng lalamunin ng gabi. Maasul ang langit…at walang bahala ang ulan.
Mula sa parang ay may dalawang lalaking papalapit sa mga puno ng kamagong. Maaaring sila ay magsasaka at masasabi iyon mula sa kanilang mga pananamit. May dala pa nga silang mga salakot panangga sa tumitinding sinag ng araw. Nakasilong na rin sila sa wakas at tila nagising ang tulog na kalabaw.
“Wala na yatang ginawa itong alaga mong kalabaw kundi ang mamahinga,” wika ng isang lalaki.
“Hindi naman…mainit lang talaga ang paligid kaya nagkakaganyan ‘yan,” sagot naman ng kanyang kausap.
Nagnakaw ng kaunting halakhak ang isang lalaki mula sa pagsayaw ng mga dahon. “Baka naman may sakit iyang ‘laga mo Norman? Mukhang matamlay eh.”
“Sakit ka diyan? Alam mo namang naaalagaan ko ‘yang si Pingkaw. Tingnan mo at ang kyut,” sagot naman ni Norman, ang magsasakang may alaga ng kalabaw na nakatali sa puno ng kamagong.
“Alam mo minsan, naiisip ko kung bakit ganito pa naging ang aking buhay…. Hindi ko pinangarap na mamuhay na lang dito sa Peñasafaria. Gusto ko sanang makakuha ng mas magandang hanapbuhay sa Harvest Valley…kahit inhinyero lang sa isang kumpanya.”
“Ano ba kasi ang tinapos mo Val? Wala naman kasi sa mukha mo ang maging isang tagabaryo lang ng Villafuerte…”
“Agriculture Engineering, pare. Pero mahirap maghanap ng mapapasukan. Alam mo naman dito sa atin…” tila humina ang sikat ng araw sa mga sinabi ni Val.
Bahagyang natakpan ng mga nagliliwaliw na ulap ang liwanag na ipinaparating ng haring araw. Nagsisilipad na rin ang mga iba’t ibang ibon sa kalikasan. Paparito…paparoon. Parang sila’y may mga hinahanap.
Makaraan lamang ng ilang sandali ay may naaninag na silang papalapit na anino sa mga puno ng kamagong sa kanilang kinalulugaran. Ang dal’wang beynte-tres anyos na binatang magsasaka ay naghihintay sa paparating na kaibigan. Tumunog na ang lutong ng mga dahon ng kamagong sa lupa sa pag-apak ng nasabing dumating.
“Oh, kumusta na ang kalabaw mo Norman? Ang tamlay ah,” paunang bati ng dumating sa dal’wang lalaki. Mga anim o labin-anim na taon ang tanda niya sa dalawa.
“Eh…ewan ko ho eh. Kanina pang ganyan ‘yan,” sabad ni Norman. “Kayo ho, kamusta na ho kayo? Ano na hong lagay ni Raquel?”
“Eh gano’n pa rin. Nando’n pa rin siya sa kanyang higa’n, nilalagnat,” sagot naman ng nakatatanda sa tatlo. “Siyangapala, eto at may dala akong dyaryo, bigay ni Boy Kusing.”
“Patingin nga ho Mang Rudy,” saka kinuha ni Val ang papel na nasa kaliwang kamay ng pinakamatanda.
“Hay. Wala pa ring ipinagbago.”
“Naku eh, ‘Mayor ng Pitumpulo Isle, nag-suicide!’”
“Puro na lang pagpapakamatay ang laman ng mga dyaryo nitong mga nakaraang araw,” pahayag ni Norman, “para lamang bumenta. Latest ho ba ‘yan?”
Sumagot si Mang Rudy. “Oo—Agosto 15, 2008.”
Papaimbulog pa sana ang kaunting katahimikan kundi lang dahil sa sasabihin ni Mang Rudy.
“Ngapala—alam niyo nab a ‘yung nangyari sa anak ni Recquestas? Balita ko’y nawawala siya.”
“Ano ho? Paanong? Sino ho bang anak ni Mang Recquestas?” nabiglang pagtanong ni Val kay Mang Rudy.
“Eh baka si Marilyn. Hindi ba’t may sakit sa puso ‘yon? Baka inatake?” humrit naman sa pagtanong si Norman.
“‘Yun bang Marilyn eh ‘yung batang nag-aaral diyan sa St. Jessica Intermediate School?” pagbato naman ni Mang Rudy ng tanong sa dalawa.
“Naku naman Mang Rudy! Tapos na ho sa pag-aaral si Marilyn. Medicine pa yata ang kinuha. Mga isang taon ang itinanda ko sa kanya,” sabi naman ni Val saka nagpunas ng tagaktak ng pawis sa noo.
“Oh edi hindi siya ‘yung nawawala?”
“Eh sino?”
“‘Yung batang anak nila.”
“Sandali nga Mang Rudy, kelan pa ba nawawala ‘yung…”
“Isa o dalawang lingo na yata eh,” tugon sa tanong ni Norman, “alalang alala na nga si Etherya, ‘yung asawa niya.”
“Eh si Mang Recquestas ho?” tanong ni Norman na tila nananalakay.
“Ayun…naglalasing. Hindi niya raw matanggap ang pangyayari.”
“Nakakaawa naman…” wika ni Val, “eh sino ho ba ‘yung nawawala?”
“Hindi ko nga rin siya kilala eh, at hindi ko na rin matandaan ‘yung pangalang sinabi sa akin…. Pero ‘El’ ang tawag daw sa kanya.”
Mula sa pag-uusap na iyon at nangyari na ang mga sumusunod. Napa-idlip muli ang mahinang kalabaw na tila nakinig sa usapan at nahulog ang isang bunga ng mahogany mula sa puno ng kamagong.

PRASH.
________________________________

Tungkol sa'n ba ang 'Si Francois de Ville At Ang Kaluluwa sa Balon ng Villafuerte'?

Ang pahinang ito ay kasalukuyang inaayos pa lamang.

________________________________

Mga bahagi ng kuwento:

Ang pahinang ito ay kasalukuyang inaayos pa lamang.

________________________________

Habang inaayos o ginagawa pa lamang ang pahinang ito, maaaring bisitahin ang mga sumusunod:
Si Francois de Ville At Ang Pulang Mata sa Seoul Street

Si Francois de Ville At Ang Sumpa ng Serpenteng Muwebles

Is There A Place Like Hell

_________________________

Ang website na ito ay pansamantalang inihinto sa pagpapaskil. Abangan na lamang sa mga susunod na buwan.

_________________________

_________________________

Mga susunod pang kuwento:

When You Met Teachers (mula sa bobongpinoy yahoo groups)

Never Swim In A Dry River


No comments: